CAREER MOVE. Ano nga ba ang dahilan kung bakit sila nag-resign sa Wowowee?
Si Milagring (Annaliza Baldonado sa tunay na buhay) ang unang sumagot. Aniya, "Siyempre po, career move para mag-grow. Siyempre kailangan din po naming kumita ng mas malaki."
Ayon naman kay Luningning (Lea Carla Santos), "Kailangang mag-explore din kami ng iba. 'Yan, nagkakaedad na kami. Ilang taon na kami...kailangan din naming makaipon para sa pangangailangan sa pamilya."
Dagdag ni Mariposa (Rovielyn Cabigquez), "Ganoon din, gusto rin naming mag-move on at mag-grow. Hindi naman habambuhay nandun kami at sumasayaw, di ba?"
Hindi ba sapat ang kinikita nila sa Wowowee kaya kailangan nilang kumita ng mas malaki?
"Hindi po...sapat lang..." matipid na sagot ni Milagring
"Sapat lang sa pangangailangan namin sa araw-araw," sundot ni Mariposa
Pero ayon kay Milagring, "Siyempre, mas kailangan naming magtrabaho nang magtrabaho para dagdag-income, di ba?"
Sabi naman ni Luningning, "Basta sa four years na yun, sobra naman ang naitulong sa amin ng Wowowee, so give chance to others naman."
TALENT FEE ISSUE. Ano ang reaksyon nila sa isyung "kinakatkong" o binabawasan diumano ng manager nilang si Anna Feliciano ang talent fee nila?
"No comment po," sabay-sabay na sabi ng tatlong dancers.
Pero kinalaunan ay nagbigay na rin ng mas mahabang pahayag ang tatlo, pero halata pa ring ingat sila sa pagbibitaw ng salita.
Ayon kay Luningning, "Actually, hindi namin alam na 'katkong' ang tawag sa ganyan. Hindi naman talaga namin alam kung ano ang nangyayari o sistema niya [Anna] regarding sa budget."
"Basta kailangan lang naming kumita ng pera. Yun lang po," sabi naman ni Luningning. "Basta nagpalaam lang po kami. Hindi namin ini-expect na lalala ang isyu. Basta umalis lang kami kagaya ng ibang dancers dahil wala naman kaming kontrata. Nalungkot din kami na may taong nabulabog sa pag-alis namin. Hindi po namin ini-expect na uungkatin yung kay Tita [Anna]. Wala kaming kinalaman dun, e. Kumbaga, labas na po kami dun. Kung ano po ang nangyayari sa kanila ngayon, hindi na po namin alam dahil wala na po kami sa loob."
May balita kasing ipinatawag ng management si Anna kaugnay ng pagre-resign ng ilang dancers ng Wowowee, kabilang na nga sina Luningning, Mariposa, at Milagring.
Dapat bang sisihin ang manager nila sa pag-alis nila sa show ni Willie?
"Sa part na 'yan, wala po kaming sinisisi," sagot ni Mariposa. "Pareho po silang nakatulong sa amin. Mentor din namin si Tita Anna. Naging second mother po namin siya. Wala po kaming sinisisi. Wala kaming sinabing against kay Tita Anna kahit saang diyaryo. Wala kaming comment na bad sa kanya, wala kaming comment na bad sa Wowowee."
Dagdag niya, "Ang intensiyon namin kaya kami umalis ay gusto talaga naming mag-move on. Gusto naming kumita ng mas angat pa. Kumbaga, puwede namang kumita pa kami dahil may pamilya naman kaming sinusuportahan. Hindi naman habang panahon, nandiyan lang kami. May mga bagong dumarating. Sabi nga nila, tumatanda ka na, kailangan mong mag-grow. Pana-panahon lang 'yan. Tama yung sinabi ni Luningning na give chance to others. Naggi-give way lang naman kami. Hindi naman kami selfish."
Nang subukan ng PEP na kunan ng kanyang panig ni Anna tungkol sa isyu ay isang taong konektado sa Wowowee ang nagsabi sa amin na wala na sa show ang talent manager at choreographer.
INSECURITY. Isa sa mga isyung ibinabato kina Luningning, Mariposa, at Milagring ay kaya raw sila umalis sa Wowowee ay dahil nai-insecure daw sila sa Kembot Girls at Amazona. Mas nabibigyan daw kasi ng exposure ang mga ito kesa sa kanila. Totoo nga ba ito?
"'Yan naman po ang hindi totoo dahil mahal na mahal namin ang mga kagrupo namin, mapa-Kembot o ASF dancers," mariing tanggi ni Milagring. "Iisa ang pinagmulan namin, e. Lahat 'yan ay tinutulungan namin. Kung may problema sila, kami yung ate nila. Lagi kaming nandiyan as ate nila."
Pero nasaktan ba sila dahil nadiskubre nilang mas mataas ang talent fee ng Kembot Girls sa kanila samantalang nauna sila sa Wowowee? Isa ba yun sa dahilan ng pagre-resign nila?
"Nakaapekto rin," pag-amin nila. "Siyempre, matagal na kami dun. Kaya lang, nakikita rin namin na deserving din naman sila para sa ganoong budget."
Hindi rin daw nila nagawang ipaglaban ang TF nila bagkus ay nanahimik na lang sila at umalis sa show.
"Kumbaga, kung ano lang ang ibinigay sa amin, tahimik kami," sabi ni Luningning. "Masaya kami sa ginawa namin. Treatment lang siguro. Na-shock lang siguro na bakit ganun ang budget nila? Bakit hindi pantay?"
Dagdag ni Mariposa, "At saka yung pag-alis namin, biglaan. On the spot. Parang may pumitik sa amin, 'Halika na, uwi na tayo.' Parang ganun. Tama na siguro ito. Napagod din kami."
THE SACRIFICE. Ano ang feeling nila na parang sila ang nagsakripsiyo kaya gumanda ngayon ng treatment at exposure ng Kembot Girls at ASF Dancers sa Wowowee?
"Wow!" bulalas ni Mariposa. "Siyempre para sa amin, good news yung ganun. Kahit kami na yung nagsakripisyo, may natulungan pala kami at marami kaming natulungan sa desisyon namin. Hindi namin ini-expect na yun pala ang way..."
Hindi ba sila nanghinayang na kailangan pa silang mawala sa show para gumanda ang treatment sa mga kasamahan nilang dancers?
"Okey na rin yung kaming tatlo ang nag-sacrifice," ayon kay Luningning. "Kasi kung tutuusin, kami namang tatlo yung mas maraming raket kesa sa kanila. Kahit papaano, meron kaming konting ipon, sila wala pa. So, okey na rin yung nangyari."
Pero bakit may lumabas na report at na-quote pa si Milagring na "nababastos" na sila sa Wowowee?
"Siguro...natural...naging emosyonal lang siguro ako," sagot niya. "Pero actually, wala naman akong ibig sabihin dun. Initial reaction lang yun, parang ganun. Siyempre, ang tagal-tagal din namin sa Wowowee, nasaktan lang din kami."
Saan sila nasaktan? Dahil nagmumukha silang back-up dancers na lang ng Kembot Girls?
"Ay, hindi, okey lang na maging back-up kami," sabi ni Milagring. "As in back-up na nga kami. Dun naman kami nag-start. Wala na rin namang problema. Kumbaga, bugso na lang ng damdamin. Minsan kasi ganun tayo, di ba? Pabigla-bigla, pero wala naman talagang ibig sabihin."
Pero may tampo ba sila kay Willie Revillame?
"Sa amin naman kasi, wala kaming iniisip na negative," sabi ni Mariposa. "Wala kaming negative intention. Sa amin kasi, for good talaga yung gusto namin gawin. Yung tampo-tampo, hindi naman natin ikakaunlad 'yan, yung mag-away-away lang. Hindi kami nagtatampo kay Papi. Hindi kami nagtatampo kay Tita Anna."
Ayon naman kay Luningning, "Wala, sobra naman ang naitulong niya. Nag-start sa akin, e! Unang-una niya akong ipinakilala sa lahat ng tao. Sobrang tulong na rin ang naibigay niya sa akin na makilala as Luningning na bigay ni Direk Bobot [Mortiz] ang pangalan ko."
NOT STAR MAGIC TALENTS. Napag-alaman din ng PEP na hindi totoong pumirma na ng kontrata sa Star Magic sina Luningning, Mariposa, at Milagring. Bagamat tinutulungan sila ng Star Magic, wala pa raw contract signing na nagaganap. Tinatapos muna kasi ang election bago ayusin kung sino talaga ang magma-manage sa tatlong dancers.
"Actually, tinanong lang kami ni Mr. M [Johnny Manahan] kung gusto naming mag-Star Magic. Sabi namin mainit pa kasi, so pag-iisipan pa namin. Pero willing sila na tulungan nila kaming tatlo," paglilinaw ng trio.
Right now, ini-enjoy muna raw nila ang pagiging freelancer, lalo't kaliwa't kanan ang kanilang shows. Kahit wala na sila sa Wowowee ay kinukuha pa rin daw sila ni Willie sa out-of-town shows, gaya sa March 14 sa Cabanatuan. Nakausap na rin nila ang sikat na TV host at tutulungan din daw sila sa raket.
Paano kung matuloy na magkaroon sila ng offer sa TV5 o kaya sa bagong show ng GMA-7, willing ba silang mag-ober da bakod?
"Open naman po kami sa lahat," sambit ni Mariposa. "Pero hindi naman natin masasabi, di ba? Tadhana na lang po ang bahala kung saan kami mapadpad."
Ang plano nila ngayon ay magsama silang tatlo sa mga raket, gumawa ng album, mag-rehearse na sing and dance para may bago namang makita sa kanila. Dadagdagan daw nila ang talent nila.
"Basta abangan na lang siguro nila. May kakaiba kaming gagawin na hindi pa nila nakikita!" natatawang pahayag ni Luningning.
Ayon naman kay Mariposa, "Gusto pa rin naming magpasaya ng tao. Siyempre, lumaki na kami sa entablado. Gusto naming mag-explore talaga...na kaya pala namin ito."
0 comments:
Post a Comment